CALOOCAN, Philippines – Isinugod agad sa ospital ang 7 lalaki kabilang ang isang menor de edad matapos ang umano’y pamamaril ng isang aktibong pulis sa Barangay 28, Bagong Barrio, Caloocan City noong Lunes ng kagabi.
Kusa namang sumuko ang suspek na si PO1 Danilo Tiempo, isang police rider na nakatalaga sa Navotas Police Station simula pa noong 2011.
Sa inisyal na impormasyon ng mga awtoridad, nagkaroon ng komosyon sa lugar malapit sa bahay ng suspek na sangkot ang kapatid nito na si Roland Tiempo. Nang humingi ng tulong ang kapatid nito ay humantong sa pagpapaputok ng baril ng suspek.
Nagtamo ng minor injuries ang lima sa mga biktima na agad ding nakalabas ng ospital habang under observation pa ang dalawa sa mga ito kabilang ang isang menor de edad dahil sa tama ng bala sa braso at likod.
Na-recover ng mga pulis ang tig-isang basyo ng 9mm at kalibre .45 na baril. Aminado naman ang suspek na pagmamay-ari nito ang mga baril ngunit itinangging may kinalaman ang kapatid niya sa insidente.
Self-defense umano ang kaniyang ginawa dahil sa pagsugod ng grupo sa kanilang bahay.
Ani PO1 Tiempo, “Sinugod po nila ‘yung father ko, grupo po sila, ‘yung mga adik po sa amin. ‘Yung father ko po tumakbo sa bahay. Nakita ko ‘yung father ko duguan, nag-react na po ako. Kaya gusto ko lumabas sa bahay. ‘Yung pagpunta ko po doon, nakita ko po ‘yung mga grupo. Susugurin po ako kaya kailangan ko rin po protektahan ‘yung sarili ko. Pinutukan ko sila sa baba para hindi po nila ako masugod.”
Nasa kustodiya na ng Northern Police District si PO1 Tiempo habang patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: Caloocan city, po1 danilo tiempo, police, police caloocan