METRO MANILA, Philippines – Sa kabila ng mahigpit na paalala ng pambansang pulisya na bawal ang magpaputok ng baril, nakapagtala pa rin ang PNP ng 26 na insidente ng indiscriminate firing simula December 16, 2018 hanggang alas-6 ng umaga ng January 1, 2019.
Base sa record ng PNP National Operations Center, sa naturang bilang, 23 lamang ang naaresto na kinabibilangan ng pitong pulis, sampung civilian, dalawang government official, isang sundalo, dalawang security guard at isang miyembro ng ibang law enforcement agency.
Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, mahaharap sa kaso ang pitong pulis na nagpaputok ng baril lalo na kung mapatutunayang walang kinalaman sa trabaho ang ginawa ng mga ito.
“Dismissable from the service ‘yan kung wala namang sapat na dahilan kung bakit nila pinutok yung kaninang baril…Sinabi naman natin sa kanila ‘yan, we warned them repeatedly na do not engage in indiscriminate o illegal discharge of firearms,” ani PNP PDG Albayalde.
Sa kabila nito, sinabi ni Chief PNP na maituturing pa ring payapa ang naging pagdiriwang ng pagpapalit ng taon sa bansa.
“Sa kalahatan, basically naging peaceful at there’s a drastic improvement lalo na sa injuries due to firecrackers last night. Meron lang tayong walo as of this time na nasugatan dahil sa firecrackers at zero incident tayo sa stray bullet incident,” pahayag ng pinuno ng pambansang pulisya.
Aniya, natututo na ang mga Pinoy sa pinsalang maidudulot ng firecrackers at maging ang pagpapaputok ng baril.
(Lea Ylagan/ UNTV News)
Tags: bagong taon, indiscriminate firing, police