7 pulis na sangkot sa “hulidap” sa 3 Koreans, sinampahan na ng kasong kidnapping for ransom at robbery

by Radyo La Verdad | February 1, 2017 (Wednesday) | 1114


Pasado alas siyete na kagabi nang magtungo ang isa sa tatlong Korean national na umano’y biktima ng robbery extortion sa Angeles Regional Trial Court upang pormal na makapaghain ng criminal charges laban sa pitong tauhan ng Angeles City Police Station 5.

Kasong kidnapping for ransom at robbery ang isinampa laban sa mga ito na sinasabing pumasok sa tinutuluyan ng tatlong Korean tourists noong December 30.

Hinuli ang mga ito ng pitong pulis na umano’y nagsasagawa noon ng anti-illegal online gambling operation.

Kasama ni Korean victim na si Lee Ki Hoon na nagtungo sa korte ang ilang kinatawan ng Criminal Investigation & Detection Group, isang Koreano na may english name na Thomas at isa pang Korean national na kasambahay ng biktima.

Si Thomas ang tinutukoy ng PNP na tipster at spotter ng mga pulis na sangkot extortion at kidnapping cases sa Angeles City.

Siya rin ang nag-abot ng 300,000 pesos sa pitong pulis sa Police Station 5 upang mapalaya ang tatlong Korean national.

Ngunit itinuturing siyang testigo ng mga otoridad para sa naturang kaso.

Ang babaeng Korean national naman ang makikita sa cctv na sumakay sa ginamit na sasakyan ng pitong pulis nang dukutin ang tatlong korean national.

Samantala hinihintay na lamang ngayon ng CIDG ang ilalabas na arrest warrant ng korte.

Una nang pinatanggal ni PNP Central Luzon Director Police Chief Superintendent Aaron Aquino ang lahat ng pulis sa Station 5 ng Angeles City.

Umaasa naman ang CIDG na makukuhanan din ng affidavit ang dalawa pang biktima na kasama ni Lee Ki Hoon na bumalik na sa South Korea.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: ,