7 miyembro ng Ampatuan Clan, hinatulang guilty sa 2009 Ampatuan Massacre

by Erika Endraca | December 20, 2019 (Friday) | 11201
Photo (C) EPA-EFE|SC PIO

METRO MANILA – Nagtagumpay din sa wakas ang mga kaanak ng mga biktima ng 2009 Ampatuan Massacre matapos ang halos 1-dekadang paglilitis.

Sa higit 700 pahinang desisyon na inilabas Kahapon (Dec. 19) ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221, napatunayang guilty sa kasong multiple murder ang 43 akusado.

28 sa mga ito ang sinentensiyahan ng Reclusion Perpetua o pagkakabilanggo ng 40 ng walang parole pangunahin na ang magkapatid na Zaldy at Andal Ampatuan Junior at 5 pang miyembro ng pamilya Ampatuan.

Ang mga ito ang direktang kasama sa pagpaplano at pagpatay sa mga biktima. 15 mga akusado naman ang hinatulang makulong ng 6 hanggang 10 taon bilang mga kasabwat sa krimen.

Halos lahat ng mga ito at mga pulis, maliban kay Bong Andal na operator ng backhoe na ginamit sa paglilibing sa mga biktima. Ang mga napatunayang guilty, pinagbabayad din ng danyos sa bawat pamilya ng 57 biktima.

Pinawalang-sala naman ng Korte ang 56 na mga akusado, kabilang na sina Sajid Islam Ampatuan at Akmad Ampatuan. Abswelto rin ang lahat ng akusado sa Ika-58 kaso dahil sa pagkamatay ng mamamahayag na si Reynaldo Momay.

Hindi kasi natagpuan ang bangkay nito at ayon sa Korte hindi sapat ang nakitang pustiso nito bilang patunay na kasama itong napatay sa massacre. Muli namang iniutos ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ang pagaresto sa 80 mga akusadong nakalalaya pa rin hanggang ngayon. Itutuloy ang paglilitis sa kaso ng mga ito oras na sila ay maaresto.

(Roderic Mendoza | UNTV News)

Tags: