7 miyembro ng Abu Sayyaf Group, patay sa panibagong engkuwentro sa Sulu – AFP

by Radyo La Verdad | April 27, 2016 (Wednesday) | 1410

ARMY
Wala nang tigil ang paglipad ng aerial assets ng militar dito sa Jolo dahil sa isinasagawang aerial reconnaisance operation upang tugisin ang bandidong Abu Sayyaf Group.

Ayon sa AFP, isang bundok ang minamanmanan nila ngayon kung saan posibleng nagtatago ang mga terorista.

Ngunit tumanggi silang ibigay ang buong detalye ng operasyon sa media dahil sensitive at confidential ang impormasyon.

Ayon kay AFP WestMinCom Spokesperson Major Felimon Tan Jr. gabi ng Lunes ay muling nagkaroon ng engkwentro ang militar at Abu Sayyaf Group.

Pito ang naitalang patay sa panig ng mga terorista habang wala namang nasaktan sa tropa ng militar.

Posible ring madagdagan pa ang casualty dahil nagpapatuloy pa ang pursuit at clearing operations ng AFP.

Layunin ng operasyon na ma-recover ang lahat ng hawak na bihag at mapuksa ang teroristang Abu Sayyaf na nasa likod ng mga kaso ng kidnapping sa mga banyaga sa bansa.

Magugunitang noong lunes, pinugutan ng grupo ang Canadian national na si John Ridsdel matapos na hindi maibigay ang demand nilang 300-milyong pisong ransom money.

Si Ridsdel ay kabilang sa apat na dinukot ng ASG sa Samal Island sa Davao del Norte noong September 2015.

Tiniyak naman ng AFP na walang sibilyang nadadamay sa isinasagawa nilang maigting na operasyon dito sa Sulu.

(Dante Amento/UNTV NEWS)

Tags: ,