7 araw na bakasyon, ipinagkaloob sa 140 pulis-Calabarzon na ipinadala sa Marawi

by Radyo La Verdad | November 1, 2017 (Wednesday) | 2116

Dumating na mula sa Marawi City at iba’t-ibang bahagi sa Mindanao ang 140 na mga pulis-Calabarzon na kabilang sa Public Safety Company na ipinadala bilang suporta sa pakikipaglaban ng tropa ng pamahalaan laban sa ISIS-inspired Maute group.

Pagdating sa kanilang kampo, mainit silang sinalubong ng kanilang mga kabaro at mga mahal nila sa buhay na nag-alay pa sa kanila ng bulaklak.

Ipinagpapasalamat ng mga opisyal ng PRO-4A dahil wala ni isa man sa kanilang mga tauhan ang napahamak sa mahigit apat na buwan nilang pamamalagi sa Marawi.

Kwento ng mga pulis, hindi naging madali sa kanila ang pagdestino sa Marawi at mga karatig na lugar dahil kailangan nilang magdamag na magbantay sa mga chekpoint upang tiyaking walang makakapasok o makakalabas na mga miyembro ng Maute.

Bunsod nito, isang linggong bakasyon ang inaprubahan ni Chief Supt.  Ma. O Aplasca para sa 140 na mga pulis upang makasama nila ang kani-kanilang pamilya bago sumabak sa bago nilang tungkulin.

Ikinatuwa naman ng mga pulis ang ibinigay sa kanilang bakasyon dahil sa naging ambag nila upang mabawi ang kapayapaan sa Marawi.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,