7 aktibong ‘Ninja Cops’, kumpirmadong nagre-recycle ng iligal na droga ayon sa PDEA

by Erika Endraca | September 19, 2019 (Thursday) | 9780

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na talamak pa rin ang recycling ng iligal na droga na nakukumpiska sa operasyon ng mga otoridad.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ginagawa ito ng mga Ninja Cops na aktibo pa sa serbisyo kasama ang tinaguriang Drug Queen sa Maynila na may katungkulan sa gobyerno.

Sinabi pa ni Aquino na hindi lamang sa Metro Manila nag-o operate ang Ninja Cops kundi maging sa ibang mga lalawigan.

Dagdag pa ni Aquino, ang shabu na binabawas ng Ninja Cops sa mga nakukumpiska sa drug operations ay ipinapasa nila sa tinaguriang Drug Queen ng Maynila. Ang Drug Queen na aniya ang bahalang mag-dispatsa o magbenta ng naturang droga.

Ilan beses na aniyang inoperate ng NBI, Aidsotf at PDEA si Drug Queen ngunit tinitimbrehan aniya ito ng Ninja Cops kaya’t hindi mahuli-huli. Ayon sa source ng UNTV, ang original na Ninja Cops ay nagmula sa Manila Police District na noon ay Western Police District (WPD).

Tinawag ang mga itong “Ninja Cops” dahil lahat sila ay nakasakay sa motor na kawasaki Ninja kapag nagsasagawa ng drug operations. Samantala pahayag pa ni Aquino, inihahanda na nila ang report tungkol sa Ninja Cops at sa Drug Queen ng Maynila na isusumite nila sa pangulo ngayong Linggo.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,