Naharang at napatay ng mga tropa ng Joint Task Force – Sulu kahapon (Nov.3) ang 7 Abu Sayyaf kidnappers na sakay ng speed boat sa karagatan ng Sulu, malapit sa Sulare Island.
Ayon kay JTF- Sulu Commander Major Gen William Gonzales, ang operasyon ng pinagsanib puwersa ng sandatahang lakas ay gumamit ng Augusta attack helicopter ng Philippine air force at multi purpose attack craft ng Philippine Navy, na may sakay na scout rangers at special forces, upang maharang ang mga kidnaper na nakasakay sa isang twin engine speed boat.
Kinilalang napatay si Madsmar Sawadjaan na kapatid ni Mundi Sawadjaan. Si Mundi Sawadjaan ang nasa likod ng dalawang suicide bombing noong Agosto 24 nitong taon sa Jolo, Sulu, kung saan 15 ang namatay at 75 ang nasugatan.
Napatay din sa operasyon si Mannul Sawadjaan alias Abu Amara na idineklarang papalit sa namatay na senior leader ng grupo na si Hajan Sawadjaan.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa 5 pang miyembrong napatay din sa operasyon at patuloy ang retrieval operations sa mga bangkay at lumubog na speed boat na ginamit ng mga terorista.
Tags: ASG, Philippine Air Force and Navy