65-anyos na lalaki mula sa Matalom, Leyte, nakapagtanim ng 10,000 mangroves sa loob ng 8 taon

by Erika Endraca | November 25, 2020 (Wednesday) | 8865

Sinimulan ni Tatay Gary Dabasol ang pagtatanim ng mangroves sa Punong village dahil sa pangamba na dalang panganib ng malalaking alon lalo na tuwing may bagyo.

Upang magawa ito ay nangolekta siya ng mangrove seedlings sa kahabaan ng coastal area ng kanilang bayan. Ilan sa mga uri ng kaniyang naitanim ay ang miyapi, pagatpat, at bakawan.

Ayon kay Dabasol, ikinagagalak niyang nakapag-bigay inspirasyon siya sa mga tao at umaasang maraming tutulad sa kaniyang ginagawa.

Dagdag pa niya, nais niyang makatulong sa pagpapataas ng marine production sa pamamagitan ng paglilinang ng isang spooning area para sa mga isda, alimango, hipon at iba pa.

Ang kwentong ito ay ibinahagi ni Dan Niez, isang netizen mula sa Hilongos town na bumisita sa Matalom upang mag ‘unwind’.

Ayon kay Niez, wala pang laman ang baybayin nang huling bumisita siya rito ilang taon na ang nakalilipas. Kung kaya’t ikinagulat niya nang makita ang malalaking mangroves na nakahanay sa baybayin.

Marami ang naantig at nabigyang-inspirasyon sa kwento at ginawa ni Tatay Gary dahil hindi madali ang pagtatanim ng 10,000 mangroves ng mag-isa. Umaasa si Niez na matutulungan ng gobyerno si Tatay Gary dahil sa hindi pangkaraniwang inisyatibo nito sa pagtatanim.

Dagdag pa ni Niez, dapat gawing ehemplo ng kabataan si Tatay Gary sa pag-iingat sa ating kapaligiran at marine ecosystem.
Mula nang ibahagi ni Niez ang kwentong ito noong October 25 ay umabot na sa mahigit 3,000 ang likes at shares nito.

Ayon sa website ng Department of Environment and Natural Resources, ang mangrove forest ay kilala rin bilang “rainforest of the sea.” Ito ay lumalaki ng mausbong sa mga bansang tropikal gaya ng Pilipinas at itinuturing na mahalagang bahagi ng coastal at marine ecosystem gaya ng seagrass at coral reefs.

Mayroong mahigit 70 mangrove species ang nabubuhay ngayon sa mundo kung saan 46 dito ay makikita sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa.

(Christine Joy Tanay | La Verdad Correspondent)

Tags: ,