Umakyat na sa 63 ang bilang ng mga isinugod sa hospital matapos mabiktima ng food poisoning sa Barangay Calizon sa bayan ng Calumpit, Bulacan,
Ayon sa mga biktima, inimbitahan sila ni Christian Kevin Lopez, ang Sangguniang Kabataan chairman ng barangay para sa isang pagdiriwang noong linggo.
Alas kwatro ng hapon nang kumain sila ng handang spaghetti kasama ang ilang SK officials. Makalipas ang ilang oras ay nakaranas sila ng pagtatae, pagsusuka at matinding lagnat.
Ang iba naman sa mga residente tulad ng barangay kagawad ng Calizon na si Aling Zeky Dela Luna, nagawa pang makapag-uwi ng spaghetti sa anak at apo.
Labis namang ikinabahala ng barangay kapitan ang sinapit ng kanyang mga kabarangay, Agad naman humingi ng tulong ito sa municipal government para mabigyan ng gamot ang mga kabarangay. Sasagutin naman ng lokal na pamahalaan ang pagpapagamot sa mga biktima.
Nakauwi na ang dalawampu’t isa sa mga biktima habang nanatili naman sa Calumpit District Hospital at Sacred Heart Hospital ang 44. Kasamang naka-confine sa pagamutan ang SK chairman at kapatid nito.
Tumangi namang humarap sa camera ang nagluto ng spaghetti na ina ng SK chairman ng barangay, subalit iginiit nito na malinis ang kanyang pagkakaluto sa pagkain.
( Nestor Torres / UNTV Correspondent )