Animnapu’t tatlong mga Persons deprived of liberty (PDL) o mga nakulong sa Leyte Regional Prison (LRP) sa Abuyog, Leyte ang naka-enroll ngayon bilang Senior High School.
Ito ay bilang bahagi ng special class program ng Department of Education (DepEd) sa mga piitan sa bansa.
Layon nitong mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga ito at educational background upang magkaroon ng pagkakataong makahanap ng maayos na trabaho paglabas ng kulungan.
Ayon kay Edgar Tenasas, assistant schools division superintendent sa lalawigan ng Leyte, prayoridad nila na mabigyan ng skills ang mga PDL para sa mga trabahong maaring home-based.
Ito ay dahil sa kanilang karanasan na maraming mga bilanggo umano ang nagbabalik sa masamang gawain at sa kulungan dahil sa diskriminasyon at kawalan ng trabaho.
Panawagan ng DepEd sa publiko, bigyan ng pagkakataon ang mga PDL dahil hindi lahat ng mga ito ay nakulong dahil sa masamang gawain.
Pinag-aaralan naman ngayon ng local government unit ng Abuyog, Leyte ang pagkakaroon din ng college program sa loob ng Leyte Regional Prison.
( Archyl Egano / UNTV Correspondent )