‘Maria Clara’ doctrine sa rape cases, dapat nang iwan — SC

by Radyo La Verdad 1350 | February 21, 2018 (Wednesday) | 4835

 

Unang ginamit ng Korte Suprema ang tinaguriang ‘Maria Clara’ doctrine sa mga kaso ng rape noong 1960.

Unang ginamit ng Korte Suprema ang tinaguriang ‘Maria Clara’ doctrine sa mga kaso ng rape noong 1960.

Sa ilalim nito, pinaniwalaan ng korte ang salaysay ng biktima dahil “walang dalagang Pilipina ang aamin sa harap ng publiko na siya ay nagahasa maliban na lamang kung ito ay totoo.”

Mahalaga kasi para sa isang dalaga na maingatan ang kanyang dangal.

Pero sa desisyon na sinulat ni Justice Samuel Martires nito lamang Enero, may pahiwatig na ang korte na iwan na ang ganitong doktrina.

Isa anila itong maling paniniwala lalo na sa panahon ngayon na iba na kay Maria Clara ang mga kababaihang Pilipina.

Kasabay nito ay pinawalang-sala ng korte ang dalawang lalake sa Davao City na inakusahan ng panggagahasa ng isang dalaga noong 2009.

Ito’y makaraang makitaan ng malaking pagkakaiba sa sinumpaang salaysay ng sinasabing biktima at sa kanyang testimonya sa korte.

Unang sinabi ng dalaga na habang nanonood siya ng beauty contest ay hinatak siyang papalayo ng isa sa mga akusado at saka ginawa ang panghahalay.

Pero sa kanyang testimonya sa korte, sinabi nitong naglalakad siya patungong C.R. nang siya ay hatakin sa madilim na bahagi at saka ginahasa.

Ayon sa Gabriela, posibleng maging dahilan ang desisyong ito ng mas maraming pang-aabuso sa mga kababaihan dahil napapawalang-sala rin ang mga akusado.

Dati na anila kasing mahirap para sa babaeng biktima ng pang-aabuso ang lumantad sa publiko.

Pero dagdag alalahanin pa sa ngayon ang posibilidad na hindi sila paniwalaan ng korte.

“Magiging mas lalong mahirap para sa babae na makipaglaban para sa katarungan. As it is, ang ating justice system, talagang napakahirap. It’s really an uphill battle for any woman na biktima ng karahasan,” ani Joms Salvador, secretary-general ng Gabriella Alliance of Women.

Maaari pa namang iapela ang desisyon at pwede pa itong baliktaring ng Supreme Court en banc.

(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)

 

Tags: , , ,