61 eroplano na lumapag sa NAIA runway na walang abiso sa MIAA, iimbestigahan

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 3370

61 eroplano ang lumapag sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula nang maialis ang sumadsad na Xiamen aircraft noong Sabado.

Ito ang mga recovery flights na ipinadala ng mga airline companies na ayon sa mga airport official ay lalo pang nakapagpapalala sa sitwasyon sa NAIA noong weekend.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eddie Monreal, hindi umano naiabiso sa kanila ang iskedyul ng pagpalapag ng naturang mga eroplano, dahilan para makansela ang iba pang mga flight.

Bagaman hindi pa tukoy ang parusa na maaring ipataw sa mga naturang airline, sinabi ni GM Monreal na pinagsabihan na nila ang mga ito na huwag balewalain ang protocol ng MIAA.

Paliwanag ng air traffic control system, ang mga dumating na eroplano na wala sa iskedyul ay naiabiso lamang sa kanila noong nasa ere na ang mga ito.

At sa mga ganitong sitwasyon, hindi na nila maaring pigilan ang paglapag ng nga ito sa runway.

Samantala, sinagot naman ni GM Monreal ang panawagan ng ilang mambabatas na magbitiw sya sa pwesto dahil sa insidente.

Sa pahayag naman na inilabas ng Xiamen airways, sinabi nito na handang nilang bayaran ang lahat ng nagastos sa aberyang idinulot ng kanilang eroplano sa operasyon ng NAIA.

Sa ngayon balik na sa normal ang sitwasyon sa NAIA.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,