METRO MANILA – Nasa 600,000 bakuna mula Sinovac Biontech ang darating sa Pilipinas sa February 23.
100,000 dito ay ilalaan sa mga sundalo.
“Ang bakuna po ng Sinovac na galing po sa china, nakaukit na po sa bato ang pagdating, ito po ay a-23 ng pebrero, febraury 23, darating po ang sinovac, 600 thousand, pero ang 100 thousand po ay donasyon ng china ay donasyon para sa mga sundalo, sa Department of National Defense.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Habang wala pang Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Admnistration , mananatili ito sa storage facility subalit ibabalik sa China kung hindi maaaprubahan.
10,000 doses naman ng Chinese Sinopharm vaccines ang inisyuhan ng compassionate special permit ng FDA para magamit ng mga miyembro ng Presidential Security Group.
Ayon sa FDA, ang PSG hospital ang responsable sa mga naturang bakuna at magbibigay ng utilization at outcome report sa FDA.
“Nag-issue ng compassionate use license ang ating FDA para sa 10,000 dosage ng Sinopharm. Ito po ay sang-ayon sa application ng ating presidential security group.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Naging kontrobersyal ang pagpapabakuna ng ilang PSG close-in security detail ni Pangulong Rodrigo Duterte noong September at October 2020 dahil wala pang vaccine ang naaaprubhan noong panahong iyon.
Samantala, handa naman ang mga tauhan ng Philippine General Hospital (PGH) na magpaturok gamit ang anumang vaccine na aprubado ng pamahalaan.
Ang PGH ang isa sa mga ospital na makatatangap ng first batch ng Covid-19 vaccines sa bansa at isa sa mga healthcare worker na unang babakunahan si PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario na isang Covid-19 survivor.
Naaantala naman ang pagdating sa bansa ng 117,000 doses ng Pfizer-Biontech vaccines ng Covax facility dahil sa pagproseo ng mga kinakailangang dokumento ayon kay national task force against Covid-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon. Gayunman, inaasahan pa ring darating ito ngayong buwan.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Sinovac Vaccine