METRO MANILA – Sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating ng 600,000 doses ng Covid-19 vaccines ng Sinovac sa Villamor Airbase sa Pasay City Kahapon (Feb 28). Donasyon ito ng China para sa Pilipinas.
Upang mapigilan ang lubha pang pagkalat ng Covid-19 pandemic sa bansa, hinikayat ng punong ehekutibo ang mga Pilipino na magpabakuna na kontra Covid-19 gamit ang Coronavac, ang bakunang likha ng Chinese firm sinovac Biotech.
Kaalinsabay nito, tiniyak ng presidente ang safety at efficacy ng Chinese vaccines.
“To my fellow filipinos, please set your fears aside. These vaccines are backed by science and deliberated on by our experts. Filipino experts. I encourage you to get vaccinated at the soonest possible time. And be our partner in preventing the further spread of the disease.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, iginiit ng pangulo na hindi naman pinipilit ang mga health workers na magpabakuna gamit ang Coronavac.
Aniya, kung ayaw ng mga ito sa Chinese vaccines, maaari silang maghintay ng ibang bakuna na gusto nila.
“Astrazeneca ‘yan. Astrazeneca or the sinovac. Kung ayaw nila ng sinovac, maghintay sila. In a few days, there has been quite a — basta i was assured that it would be coming within the next few days. Eh ‘di ‘yon ang gusto nila, they have a choice.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Muli namang binilinan ng Presidente ang mga ahensya ng pamahalaang sangkot sa vaccination rollout na gawin ang lahat ng paraan upang mapabilis ang proseso nito.
Ayaw ng Pangulong may maaksayang panahon sa pagbabakuna. Labis naman ang pasasalamat ng pangulo sa China sa donasyon nitong mga bakuna.
Ayon sa presidente, sa lahat ng bansang binigyan ng libreng bakuna ng China, espesyal ang Pilipinas dahil inihatid pa ang mga ito sa bansa sa pamamagitan ng isang Chinese military aircraft.
Bunsod nito, plano ni Pangulong Duterte na bumyahe patungong China upang personal na magpasalamat kay Chinese President Xi Jinping.
Iginiit naman ng punong ehekutibo na walang hinihinging anumang kapalit ang china sa mga ibinibigay nito sa Pilipinas kabilang na ang donasyong bakuna.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: siNOVAC