600 pamilya sa Makati City, naapektuhan ng sunog na umabot sa Task Force Bravo

by Radyo La Verdad | December 11, 2018 (Tuesday) | 28268

Nasa tatlong daang bahay ang nasunog sa Laperal Compound, Barangay Guadalupe Viejo bandang ala una ng madaling araw. Mabilis na tinupok ng apoy ang mga bahay sa lugar na gawa sa light materials at halos dikit-dikit na.

Bandang alas dose y medya naman ng umaga ay itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang alarma ng sunog sa Task Force Bravo na hudyat ng pangangailangan ng nasa dalawampung fire trucks upang maapula ang apoy. Dakong alas singko y medya na nang ideklara ng BFP na fireout ang sunog.

Ayon sa kapitan ng barangay, hindi pa malinaw ang dahilan ng sunog dahil magkakaiba ang pahayag ng mga residente kaugnay ng insidente.

Sa inisyal na ulat ng BFP ay dalawa ang nagtamo ng minor injuries, kabilang ang isang residente at isang rescue volunteer. Aabot sa higit dalawang libong pamilya ang naapektuhan sa naturang sunog.

Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Makati City na magbibigay ang mga ito ng ayuda sa mga naapektuhan ng sunog gaya ng pagkain, tubig at mga damit.

Ipagtatayo rin sila ng mga modular tents na pansamantalang masisilungan ng mga apektadong residente. Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang tunay na sanhi at ang halaga ng pinsala ng sunog.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,