60 Pinoy, namamatay araw-araw dahil sa Tuberculosis

by Radyo La Verdad | August 27, 2018 (Monday) | 4878

Target na mapababa ng 15% ng Department of Health (DOH) ang tuberculosis cases sa bansa sa taong 2022. Sa datos ng kagawaran, sa kasalukuyan ay pang-apat ang tuberculosis sa pangunahing sakit na pumapatay sa mga Pilipino.

Araw-araw, 60 mga Pilipino na hindi nagpapagamot o hindi kaya naman ay itinigil ang pagpapagamot ang nasasawi.

Umaasa ang DOH na sa pamamagitan ng programang inilunsad nila noong nakaraang linggo na TB platforms at innovations, mas mapapangasiwaan ang TB cases sa bansa at matutunton ang mahigit dalawang daang libong TB cases.

Mapanganib anila kapag hindi nahanap at nagamot ang mga ito dahil maaari pang makahawa at pagmulan ng mas maraming kaso.

Target na hanapin ng DOH ang mga kasong ito sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, Calabarzon at maging sa Marawi City.

May 1.03 bilyong piso na budget ang pamahalaan para sa National Tuberculosis Program, ngunit ayon sa DOH kulang pa rin ito.

Kaya naman malaking bagay anila ang ayuda iba’t-ibang ahensya gaya ng United States Agency for Internationald Development (USAID) upang masustinehan ang paggagamot sa mga TB patient at mapababa ang TB cases sa bansa.

Paalala ng DOH sa publiko na magpatingin agad sa doktor kung ang ubo ay mahigit dalawang linggo na, mayroong lagnat at pagpapawis karaniwan sa hapon o sa gabi, kawalan ng ganang kumain at pagbaba ng timbang.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,