60-araw na palugit sa Metro Manila Mayors upang linisin at paluwagin ang mga kalsada, sinimulan na

by Erika Endraca | July 30, 2019 (Tuesday) | 9924

MANILA, Philippines – Inilabas na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang memorandum order kung saan inaatasan ang 17  mayor ng Metro Manila na magsagawa ng malawakang clearing operations sa kanilang mga lungsod.

Nakasaad sa kautusan na kailangang matanggal ng mga alkalde ang lahat ng sasakyan na iligal na nakaparada sa mga kalsada at ang mga istruktura na nakaharang.

Kailangan ding mapaalis ang mga vendor na umu-okupa sa mga bangketa. Binigyan ng DILG ng 60 araw ang mga mayor upang maisakatuparan ito.

Magiging katuwang ng mga lokal na opisyal sa clearing operations ang National Capital Region Police. Samantala kanya-kanyang diskarte naman ang mga alkalde kung paano matutugunan ang direktiba ng DILG.

“Kinakausap po natin yung ibang commercial centers na i-accomodate marami pa namang bakante,maipasok po natin sila yung mga vendor sa commercial center.” ani Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.

“Gusto kong magbigay ng insentibo sa mga private lot owners na hindi naman nila ginagamit ang kanilang lugar, baka pwede nilang gawing parking lots at magcharge sila ng parking fees o kaya magjoint venture sila sa city government magpapagawa tayo ng multi-level parking.” ani Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Malaking tulong naman sa lungsod ng Naynila ang memorandum ng DILG, upang masawata ang mga umano’y mga protektor ng mga lumalabag sa kautusan ng city government.

“At least maliwanag na ngayon lahat,para pagdating ng implementation wala ng mga hunyango wala ng mga makapili ito pare-pareho nang gugulong ang ulo natin.” ani Manila Mayor Isko Moreno

Samantala inisyal na papatawan ng 2 buwang preventive suspension ang mga mayor na hindi makasusunod sa utos ng DILG.

Subalit kapag napatunayan na may kapabayaan ay pag-aaralan pa kung gaano katagal ang ipapataw na suspensyon, at sasampahan din ng kasong administratibo. Sa ngayon ay mahigpit na imo-monitor ng DILG ang performance ng mga alkalde upang masigurong masusunod  nila ang direktiba ng pangulo.

Hinikayat ng ahensya ang publiko na isumbong sa kanilang Hotline 925-0343 ang mga local government official na hindi magta-trabaho. Nangako naman ang pamahalaan na bibigyan ng tulong ang mga mawawalan ng hanapbuhay dahil sa hakbang na iyon.

“Ang isang pagiging mahirap o kapus-palad ay isang dahilan para payagan kang lumabag ng batas,kaya mauuna muna ang pagsunod ng batas at yung mga maapektuhan titignan natin kung ano yung pwedeng maibigay na assistance dun sa makakayan.” ani DILG Secretary Eduardo Año.

Sa pagtatapos ng 60 araw na deadline, umaasa ang DILG na luluwag ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, alinsunod sa kautusan ng pangulo na bawiin ang mga kalsadang pagma-mayari ng pamahalaan

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,