6 pang lugar sa bansa, isinailalim sa COVID-19 Alert Level 3

by Radyo La Verdad | January 28, 2022 (Friday) | 962

METRO MANILA – Nadagdagan pa ang bilang ng mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng COVID-19 alert level 3.

Simula ngayong araw (January 28) hanggang February 15, 2022, nasa alert level 3 na ang Palawan, Camiguin, Davao Occidental, Dinagat Islands, Tawi-Tawi at Sulu.

Sa weekend naman, inaasahang magdesisyon at ianunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang susunod na alert level na paiiralin sa National Capital Region (NCR).

Sa gitna ito ng mga panawagang luwagan ang restrictions bunsod ng patuloy na pagbaba ng bagong daily COVID-19 infections.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na kung made-escalate sa Alert Level 2 ang National Capital Region, hindi na ipatutupad ang mga ordinansang inilabas sa mas mahigpit na COVID-19 restrictions.

Batay din sa Department of Transportation (DOTr), oras luwagan ang umiiral na COVID-19 restrictions sa Metro Manila, aalisin na ang no vaccination, no ride policy.

“Ang no vax, no ride policy under Department Order 2022-01 ay valid lang po sa loob ng NCR. Linawin ko lang po yun, yun po ay para sa NCR, dito lang po. At valid lang po yun, habang ang NCR ay nasa alert level 3, or mas mataas, pag bumaba po ang ating alert level dito, masususpinde na po yung polisiya.” ani DOTr Usec. Artemio Tuazon Jr.

Tinutuligsa ang naturang polisiya ng mga kritiko. Anila, salungat ito sa batas at isang uri ng diskriminasyon.

Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines Spokesperson Alan Tanjusay lalabag ang polisiya sa Republic Act 11525.

Pinagbabawal ng nasabing batas ang mandatory requirement ng vaccination card sa trabaho, sa employment, at sa mga government transaction at services gaya ng public transportation.

Ipinagtanggol naman ng palasyo ang no vaccination, no ride policy ng DOTr at iginiit na ang legal nitong basehan ay ang mga ordinansa mismo ng lokal na pamahalaan.

(Rosalie Coz | UNTV News)