Pinarangalan ng NAPOLCOM o National Police Commission ang anim na SAF survivors na kabilang sa Mamasapano operation noong nakaraang taon.
Ayon kay DILG Secretary at NAPOLCOM Chairman Mel Senen Sarmiento, ipinagkaloob ang medalya ng kabayanihan sa apat na SAF commandos na nagsilbi ng warrant of arrest sa napatay na Malaysian bomb expert Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ang mga pinarangalan ay sina PO3 Solomon Agayso, PO3 Jose Mana-ar Jr., PO3 Jovalyn Lozano at PO2 Clifford Agayyong.
Medalya ng katapatan sa paglilingkod naman ang ibinigay kina P/SR Supt Fernando Mendez Jr. at P/SSupt. Edgar Monsalve na kabilang sa bumuo ng intelligence package para sa operasyon kay Marwan.
Kinumpirma rin ni Sarmiento, na ang mga nabanggit na pulis ay itinaas ng isang ranggo pati na ang 25 SAF survivors.
Ang mga anak ng apat na SAF commandos na nakatanggap ng medalya ng kabayanihan ay makatatanggap naman ng scholarship.
(Lea Ylagan/UNTV NewS)
Tags: DILG Secretary at NAPOLCOM Chairman Mel Senen Sarmiento, SAF survivor