Nagmistulang ilog na ang ilang barangay sa Valenzuela City matapos itong bahain dahil sa walang tigil na pagulan simula pa kahapon. Pinalala pa ito ng hightide kaya’t imbis na humupa agad ang baha ay lalo pang tumaas ang tubig.
Kabilang sa mga barangay na lubog sa baha ang barangay Pasolo, Mabolo, Dalandanan, Malanday, San roque, at Coloong. Abot tuhod hanggang baywang ang baha sa mga nasabing barangay at maging ang mga sasakyan ay hirap na dumaan dahil naaabot ng tubig ang makina nito.
Katunayan naabutan pa ng UNTV News team ang magkakaibigang sina Noemi Zuniga sa gilid ng kalsada dahil tumirik ang kanilang motorsiklo matapos lumusong sa baha. Hindi na raw bago sa ganitong sitwasyon ang mga residente
Para naman sa namamasada ng mga tricycle at pedicab pagkakataon na din ang baha para kumita. Ang regular na otso peso na pamasahe sa tricycle, pag merong baha umaabot sa trenta ang singil sa isang pasahero.
Samantala , pinayuhan naman ang mga residenteng nakatira sa gilid ng Tullahan river sa Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas City na maging alerto dahil sa posibleng pag-apaw ng naturang ilog.
(Reynante Ponte / UNTV Correspondent)
Tags: bagyo, Gorio at habagat, Valenzuela City