Ngayong linggo na magsisimula ang anim na buwang closure sa Boracay para sa rehabilitasyon nito.
Sa Huwebes, ipatutupad na ang mga nakasaad sa general guidelines na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kabilang na dito ang pagbabawal sa pagpasok sa isla ng mga local at foreign tourist.
Gayundin ang paliligo sa dagat maliban na sa isa lamang lugar at mayroong nakatakdang oras para dito.
Kaya naman bago ang tuluyang pagsasara ng isla, sinulit muna ng mahigit tatlongdaan personnel ng Philippine National Police (PNP) na magpapatupad ng seguridad sa isla sa loob ng 6-month closure ang nalalabing mga araw na bukas ito.
Dalawang araw na naligo sa dagat at nagboodle fight ang mga miyembro ng Metro Boracay Task Force Police.
Ayon kay Metro Boracay Task Force Commander, PSSupt Jesus Cambay Jr. bahagi ito ng PNP team building upang maging handa ang mga pulis sa kakaharaping tungkulin.
Samantala, isinagawa rin sa isla nitong weekend ang kahuli-hulihang international event na nakatakda bago ang closure, ang 12th Boracay International Dragon Boat Festival.
Nilahukan ito ng mahigit isang libong participants mula sa labing tatlong bansa.
Itinanghal na kampeon ang mga atleta mula sa Pilipinas ang Boracay Dragon Force at Dragonflies sa standard boat women 500 meter race at standard boat women 250 meter race.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )