6-libong traffic enforcers, ipapakalat sa iba’t-ibang mga lansangan sa NCR at mga karatig lalawigan

by Radyo La Verdad | September 7, 2017 (Thursday) | 3351

Inilunsad na kahapon ang mas pinalakas at pinalawak na Inter-Agency Council for Traffic, na siyang naatasan na lutasin ang tumitinding problema sa trapiko sa Metro Manila. Kasama rin sa isasaayos ng bagong I-ACT ang trapiko sa Cavite, Rizal, Laguna, at Bulacan.

Sa ilalim nito, mahigit anim na libong traffic law enforcers na binubuo ng PNP-Highway Patrol Group, LTO, LTFRB, MMDA, local government units at mga opisyal ng barangay ang ipakakalat sa iba’t-ibang mga kalsada.

Unang tutukan ng I-ACT ang problema sa trapiko sa Commonwealth Avenue, kaalinsabay ng pagsisimula ng konstruksyon ng MRT line 7. Sunod na aayusin ang problema ng trapiko sa C5 Road, Alabang-Zapote Road, Roxas Boulevard at Airport loop.

Subalit hindi anila ito nangangahulugan na babalewalain na ang problema ng trapiko sa Edsa. Kasama rin sa mandato nito ang anti-illegal parking operations, sidewalk clearing operations at anti-colorum operations. Madadagdag naman sa grupo ang DPWH at DILG.

Layon nito na maikonsidera rin ang pagsasaayos ng trapiko kapag may kontruksyon ng mga imprastraktura, gayundin ang mga polisiyang umiiral sa bawat lokal na pamahalaan.

Subalit hindi pa maipangako sa ngayon ng I-ACT kung kailangan posibleng maramdaman ang ginhawa sa mga lansangan.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,