Umabot na sa 582 opisyal at kawani ng pamahalaan ang naaresto ng PNP at PDEA sa anti-drug operations mula Hulyo 2016 hanggang nitong Setyembre.
Binubuo ito ng dalawangdaan at limampung elected officials, animnapung sundalo at pulis, at dalawang daan at pitumpu’t dalawang mga empleyado.
Ayon kay PNP Deputy Spokesperson PSupt. Kimberly Molitas, mayroon ding dalawandaan at walumpu’t anim na tauhan ng law enforcement agencies ang na-dismiss sa serbisyo at isangdaan at limang iba pa ang tinanggal dahil sa drug-related offense.
Hinimok din ng PNP ang publiko na huwag iboto ang mga pulitikong sangkot sa droga at hinamon ang mga kandidato na mag-voluntary drug test.
Patuloy din ang pangangatok ng PNP sa mga pulitikong nasa narco-list at validation sa mga impormasyon na nagtuturo sa diumanoy involvement ng mga ito sa iligal na droga.
255 na ang kabuuang bilang ng naipasarang pagawaan ng ipinagbabawal na gamot tulad ng 242 drug dens at 13 clandestine laboratories.
Ayon sa PDEA, hindi sila titigil hanggang sa mahuli ang lahat ng sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot lalo na ang mga high value target na binubuo ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Carreon, nakapagsagawa na sila ng mahigit isandaan libong anti-drug operations at nakaaresto ng halos one hundred sixty thousand drug personalities.
( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )
Tags: iligal na droga, pdea, PNP