Limamput-anim na volunteers mula sa Civil Defense Action Group at PureForce ang nagsipagtapos sa tatlong na araw na traffic management seminar ng Metropolitan Manila Development Authority ngayong araw.
Ang mga naturang volunteer, ay magsisilbing karagdagang traffic enforcers ng MMDA na pansamantalang ide-deploy sa kahabaan ng Quezon Avenue.
Tutulong ang mga ito sa pagmamando ng trapiko tuwing araw ng Biyernes, Sabado at Linggo.
Ang Civil Defense Action Group o CDAG ay isang umbrella organization ng isang rehistradong rescue group sa Pilipinas na accredited naman ng Office of the Civil Defense.
Habang ang PureForce naman, ay isa ring private rescue group na bihasa sa incident management technology.
Bukod sa pagsasaayos sa daloy ng mga sasakyan, otorisado rin ang mga volunteer traffic enforcer na mag-isyu ng ticket sa mga mahuhuling lumalabag sa batas trapiko.
Sa ngayon ay wala pang matatanggap na sweldo ang mga ito mula sa gobyerno, subalit bibigyan naman ang mga volunteer ng libreng medical at legal assistance ng MMDA.
Sasagutin naman ng CDAG at PureForce, ang kanilang mga uniporme, at mga personal protective equipment na gagamitin sa kanilang trabaho.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa dalawang libong traffic enforcers ang MMDA na nakapwesto sa iba’t-ibang kalsada sa Metro Manila; subalit ayon sa MMDA, ay kulang na kulang pa rin ito upang mabantayang mabuti ang sitwasyon ng trapiko, kaya naman nangangailangan pa ang ahensya ng mahigit sa tatlong libong mga karagdagang enforcer.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: MMDA, traffic law enforcers