ASG leader at umano’y pinuno ng Daesh sa bansa na si Isnilon Hapilon, hindi na makakapanggulo ayon sa AFP

by Radyo La Verdad | June 28, 2017 (Wednesday) | 1682

Wala pang matibay na batayan upang tuluyang paniwalaan na nakalabas na ng Marawi City ang Abu Sayyaf leader at umano’y pinuno ng Daesh sa bansa na si Isnilon Hapilon.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Restituto Padilla, posible ring ang teroristang grupo ang nagpalutang ng ideyang ito upang lituhin ang tropa ng militar na tumutugis sa kaniya sa Marawi City.

Gayunman, kumpiyansa ang militar na wala nang kakayahan si Hapilon na maglunsad ng panibagong pag-atake gaya ng ginawa nito sa Marawi City.

Binigyang-diin naman ng militar na mahalagang mahuli si Hapilon buhay man o patay, dahilan upang magbigay ng malaking pabuya ang pamahalaan ng Pilipinas at Estados Unidos sa makapagsusuplong nito.

Samantala, sa huling ulat ng pamahalaan, 27 na ang mga residente ng Marawi City na napaslang ng isis-linked Maute terrorist group at pinangangambahan naman ng militar ang pagtaas ng bilang na ito.

(Rosalie Coz/UNTV News Reporter)

Tags: ,