Nagdulot ng pagkaantala ng mga pasahero na papasok sa kanilang mga trabaho ang malawakang tigil-pasada ng grupong PISTON sa Laguna kahapon.
Ang ilang mga pasahero na sumakay sa mga tricycle, pilit pinabababa ng mga nagpoprotesta.
Sa Sta. Rosa Laguna, naghanda naman ng truck ang lokal na pamahalaan upang maihatid sa kani-kanilang mga destinasyon ang mga pasahero.
Ayon pa sa grupong PISTON, limang libong mga driver operator ang makikiisa sa Calabarzon sa kanilang tigil-pasada na tatagal pa hanggang ngayong araw.
Sa Cebu, walumpu sa inaasahang dalawandaang miyembro ng PISTON lang mula sa lungsod ng Lapu-Lapu, Mandaue at Cebu ang nakiisa sa tigil-pasada kahapon.
Dahil dito, hindi naman gaanong naapektuhan ang pampublikong transportasyon sa siyudad ngunit may mga nakaantabay pa rin na mga pulis upang magbantay seguridad sa kilos-protesta.
Sa Davao, tatlumpu’t dalawang bus naman ang itinalaga ng lokal na pamahalaan ng Davao City upang magsakay ng mga pasaherong maapektuhan ng transport strike.
Mahigit tatlong daang security personnel ng City Transport and Traffic Management Office din ang idineploy sa mga protest areas ngunit ayon sa mga otoridad, kakaunti lamang umano ang nakiisa sa malawakang kilos-protesta.
Tuloy-tuloy naman ang pasada ng mga jeepney sa Western Visayas sa kabila ng malawakang transport strike sa bansa.
Ayon sa PISTON-Panay, isinasaalang-alang umano nila ang Masskara Festival sa Bacolod City at ang mga kasamahan nilang dumadalo sa Visayas-wide mass movement na lakbayan sa Cebu kung kaya’t hindi sila sumali sa tigil-pasada.
Sa halip, isang transport caravan protest ang isinagawa ng mga local transport groups.
Sa Bulacan, hindi rin nakiisa ang mga jeepney driver sa isinasagawang nationwide transport strike.
Ayon sa mga jeepney driver, walang ibinaba ang kanilang pamunuan na maikisa sa transport strike ng grupong PISTON. Anila, wala rin silang kikitain ngayong araw kung makikiisa sa tigil-pasada.
Samantala, sa Calapan Oriental Mindoro naman hindi nakilahok ang karamihang mga driver operator na may byaheng Baco, Santeodoro, Naujan, Victoria, Puerto Galera, Canubing Dos at Sta. Cruz.
Ang malawakang tigil-pasada ay isinagawa ng mga grupo, upang ipaabot sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa planong jeepney modernization program at pag phase out sa mga lumang pamapasadang jeep simula sa susunod na taon at ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
( Marisol Montaño / UNTV Correspondent )
Tags: 2-day transport strike, CALABARZON, Piston
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com