500 magsasaka sa Nueva Ecija, nabigyan ng libreng punla ng provincial government

by Radyo La Verdad | January 10, 2018 (Wednesday) | 5822

Namahagi ang Provincial Agriculture Office ng  tig-iisang lata ng binhi o punla ng red onions sa nasa mahigit limang daang magsasaka mula sa ibat ibang bayan ng Nueva Ecija, ito’y upang maitanim at makahabol sa planting season ng sibuyas ngayong buwan ng Enero.

Ang mga libreng punla ay bahagi ng ayuda sa mga magsasaka na labis na napinsala ng army worms noong 2014 hanggang 2016.

Kabilang  sa walong bayan na sinalakay ng naturang peste ang Bongabon, Laur, Gabaldon, Palayan City, Sto. Domingo, Talavera, Pantabangan at San Jose City. Bawat isang lata ng binhi ng pulang sibuyas ay kayang maitanim sa 1,000 square meters na bukirin.

Samantala, sa bayan ng Bongabon ay aabot sa 2,895.14 hectares naman  ang sinisimulan ng taniman ng sibuyas ngayon Enero.

Subalit dahil sa epekto ng nararanasang malamig na panahon, umabot sa 8.5 hectares na nataniman na ng sibuyas ang sinalanta ng antracnose na  isang uri ng fungus na nabubuhay sa malamig na panahon sa dalawang magkasunod na barangay sa Pesa at Tugatog.

Ayon sa Bongabon Agriculture Office, agad naman itong binunot ng mga magsasaka upang huwag ng makahawa pa sa iba pang tanim na sibuyas.

Patuloy naman ang isinagawang monitoring sa mga sakahang apektado nito upang magawan naman ng agarang aksyon ng Department of Agriculture.

 

( Danny Munar / UNTV Correspondent )

Tags: , ,