500 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4-B, nasabat ng BOC sa Manila Int’l Container Port

by Radyo La Verdad | August 8, 2018 (Wednesday) | 3834

Ininspeksyon at binuksan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang container van sa Manila International Container Port kagabi.

Ito ay matapos silang makatanggap ng ulat na matagal na overstaying na ang shipment sa port area.

Ayon kay BOC Chief Isidro Lapeña, idineklara umano na door frame ang laman ng kargamento, ngunit ng buksan ay tumambad sa kanila na dalawang magnetic lifter ang nasa loob nito.

Dito na nga nadiskumbre na ang laman ng naturang magnetic lifter ay pake-pakete ng hinihinalang shabu na may 250 kilos ang bigat.

Nasa limandaang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 3.4 bilyong piso ang kabuuang nakuha ng BOC sa dalawang magnetic lifter na nasa sa naturang shipment.

Ayon sa BOC, dumating ang naturang shipment noong ika-28 ng Hunyo mula sa Malaysia.

Nakapangalan umano bilang consignee nito ang isang Vidacio Cabral B. Araquel ng Vecaba Tradings. Hindi rehistrado ang kumpanya sa BOC pero nakapagpasok ito ng kargamento.

Ayon sa BOC, ito na ang pinakamalaking shipment ng iligal na droga sa bansa na kanilang nasabat.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,