Sumailalim sa “jobs bridging” seminar ang unang batch ng mahigit 200 rebel returnees noong Biyernes; kasunod ito ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na livelihood program sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa pagnanais na mabigyan ng maayos na buhay ang kaniyang pamilya, sumanib sa New People’s Army (NPA) si “Hector”. Ngunit dahil hindi aniya natupad ang layuning ito sa pitong taong pamumundok, nagbalik-loob ito sa pamahalaan.
“Nakita ko na walang kinabukasan talaga, akala ko ang NPA makakatulong sa pamilya, nakita ko ang mga magulang ko imbis ako na ang makakatulong nakadagdag pa tuloy ako ng problema sa kanila,” sabi ni Hector.
Ngayon, isa si Hector sa nasa 50 rebel returnees na sumasailalim sa tinatawag na jobs bridging program ng pamahalaan.
Ito ang unang batch ng mga dating NPA members na personal na nakausap ni Pangulong Rodrigo Duterte at pinangakuan ng livelihood assistance.
Nagsimula ang enrollment sa mga ito noong Biyernes kung saan sasailalim sila sa technical-vocational livelihood program ng TESDA.
“Panawagan ko sa mga kasama ko na nasa itaas kung may plano pa sila isipin nilang mabuti pero mas mabuti na mayroon tayong demokrasya na nakikita, makita natin na mag kinabukasan tayo,” pahayag pa niya.
Bukod sa mga rebel returnees, kasama ring makikinabang sa TESDA program ang mga indigenous people.
Ngunit paglilinaw ni TESDA Director General Guiling Mamondiong, kahit sino ay maari pa ring mag-avail ng serbisyo na ito ng ahensya, ngunit binigyang prayoridad lamang ang mga rebel returnee dahil sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Unang hakbang pa lang ito sa socio-economic mainstream ng administrasyon ng Pangulo ngayon. Gusto kasi ng Pangulo na magkaroon ang lahat ng magandang trabaho regardless of education background o attainment. It’s a social obligation ng government to teach them,” sabi ni Director General Guiling Mamondiong.
Habang sumasailalim sa training ay mayroon namang libreng meals at transportation allowance para ang mga rebel returnee.
(Janice Ingente/UNTV Correspondent)
Tags: NPA, President Rodrigo Duterte, TESDA