50 pulis, magsisilbing board of election inspectors sa mga island barangay sa Zamboanga City – Comelec

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 17345

Inaasahan na ng Commission on Elections (Comelec) Zamboanga City na aatras ang ilang mga guro sa pagsisilbi bilang Board of Election Inspector (BEI) sa 2019 midterm elections. Partikular na rito ang mga nasa island barangay tulad ng Manalipa, Sacol at Cabugan.

Tulad na lamang noong May 2018 barangay at Sangguniang Kabataan elections, kung saan ilang guro ang hindi tumuloy na magsilbing poll workers sa Barangay Busay, ilang araw na lang bago ang election.

Kasunod na rin ito ng mga banta sa kanilang buhay tulad ng panggugulo ng ilang grupo, kabilang rito ang gun for hire na maaaring gagamitin ng mga magkatunggali sa pulitika.

Kaya naman ayon sa Comelec, upang maiwasan ang aberya sa darating halalan, magtatalaga na sila ng nasa 50 police officers bilang BEI.

Dadaan ang mga ito sa ilang araw na training na posibleng isasagawa sa Marso. Pag-aaralan ng mga ito ang makinang gagamitin sa halalan.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,