50 Overseas Filipino, nakauwi na sa Pilipinas sa pamamagitan ng 2022 Repatriation Program sa Manama, Bahrain

by Radyo La Verdad | February 10, 2022 (Thursday) | 410

METRO MANILA – Matagumpay na naiuwi ng Philippine Embassy mula Bahrain ang 50 overseas Filipino sa pamamagitan ng Gulf Air Flight o GF154, na umalis sa Manama noong January 30, 2022 at dumating sa Ninoy Aquino International Airport sa Manila noong January 31, 2022.

Upang makuha ang mga exit permit ng mga repatriate, nakipag-ugnayan ang Embahada sa Ministry of Interior ng Bahrain partikular sa National, Passport and Residence Affairs at sa mga opisyal ng imigrasyon.

Kasama sa unang batch ng repatriation ang mga buntis, overstaying OF’s, deportees, medical patients, menor de edad at wards sa Embassy Shelter.

Ang quarantine facilities ng mga nakauwi ay iniaayos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Bahrain sa pakikipag-ugnayan sa OWWA Main office sa Manila.

Samantala, patuloy ang pag-abot ng tulong sa mga stranded na Filipino sa Bahrain bilang bahagi ng COVID-19 response program ng pamahalaan ng Pilipinas.

(Zy Cabiles | La Verdad Correspondent)