50 metric ton bangus at tilapia, apektado ng fish kill sa Taal Lake

by Jeck Deocampo | February 1, 2019 (Friday) | 9201

BATANGAS, Philippines– Mahigit 50 metriko toneladang tilapia at bangus ang namatay sa mga barangay na sakop ng Sta. Maria, Buco, Caloocan at Sampaloc sa bayan ng Talisay, Batangas noong Miyerkules, Enero 30.

Apektado ng fish kill ang 28 fish cages na tinatayang nagkakahalagang mahigit 6.8 milyong piso.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Batangas, isang sulfur upwelling ang naranasan sa Taal Lake, bunsod ng malamig na panahon na dulot ng hanging amihan.

Ang sulfur upwelling ay isang natural na pangyayari sa lawa na nararanasan sa tuwing buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero, kung saan ang tubig na may kasamang sulfur na nasa ilalim ay pumapaibabaw.

“Nagkaroon ng sulfur upwelling kahapon nang madaling araw, ‘yung nagkulay berde ang tubig dahil tag-lamig. Kapag malamig ang tubig bumibigat ang surface, ang tendency, pupunta sa baba, magkakaroon ng mixing from surface to bottom, mixing of water. Ang isa pang naka-trigger, hanging amihan at alon and then temperature,” paliwanag ni BFAR-Batangas Inland Fisheries Technology Outreach Station (BFAR-BIFTOS) officer-in-charge Nenita S. Kawit.

Sa ganitong tiyempo, pinabababa ng sulfur upwelling ang lebel ng dissolved oxygen sa tubig na siyang kritikal para sa mga isda sa lawa.

Kaugnay nito, hinihikayat ng BFAR ang mga local government officials na naka-palibot sa Taal Lake na maging mapag-matyag.

Pinaaalalahanan din ang mga fish cage operator na anihin na ang mga isda na maaari nang i-harvest upang hindi masayang.

Ayon pa sa BFAR, hindi ligtas na kainin ang mga nasabing isda.

Tags: , , , ,