5 umano’y illegal voters sa Pasay City, inireklamo sa Comelec

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 3078

Limang umano’y illegal voters ang inireklamo ng tumatakbong kapitan sa Barangay 194 sa Pasay City.

Ayon kay Engr. Felicismo Arnesto, hindi residente sa kanilang barangay ang limang botante na kinilalang sina Christian Reyes, Alvin Verangel, Marvin Encabo, Mark Angelo Sevilla at Annie Pagangpang.

Hinala ni Arnesto na dating kapitan ng barangay, pakana ito ng kanyang kalaban.

Aminado ang isa sa mga inireklamo na hindi siya residente ng Barangay 194 sa Pasay City. Sa Sucat, Parañaque umano siya kasalukuyang naninirahan pero dati siyang nakapag rehistro sa barangay. Peke din aniya ang mga ID na ibinigay lamang sa kanila kaninang umaga.

Pero ayon kay Barangay Chairman Lydia Abrera, gawa-gawa lang ang reklamo dahil nais ni Arnesto na makabalik sa pwesto.

Ayon sa election officer na si Atty. Ramil Comendador, pumasa sa requirement ang mga inirereklamong botante kaya sila nakapag rehistro noong 2016.

Apat sa inireklamong botante ang tagumpay namang nakaboto sa kani-kanilang presinto.

Pero desidido pa rin umano ang kampo ni Arnesto na magsampa ng pormal na reklamo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,