5 taong termino sa barangay at SK officials, isinusulong ng mambabatas

by Radyo La Verdad | February 11, 2023 (Saturday) | 1378

METRO MANILA – Palalawigin ng House Bill (HB) 7123 ang panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mula 3 taon hanggang 5 taon upang matiyak ang isang matatag na pamumuno at pamumunga ng mga programang sinimulan ng lokal na pamahalaan.

Layong amyendahan ng HB 7123 ang Section 43 ng Local Government Code na pahahabain ang termino ng mga barangay at SK officials subalit mananatiling 3 ang limitasyon para sa magkakasunod-sunod na termino at maximum na 15 consecutive years sa panunungkulan kung mananalo muli ang opisyal.

Itinataguyod ni Cagayan De Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang nasabing panukalang batas na naniniwalang masyadong maikli ang 3 taon sa pamumuno at mga gawain ng barangay lalo at ang huling taon ay karaniwang ginagamit upang mangampanya.

Kung maisasabatas, magkakabisa ang HB 7123 sa unang barangay at SK elections pagkatapos maisabatas ang panukalang amendatory law.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: