May mga lugar pa rin sa Itogon, Benguet na isolated mahigit isang linggo na matapos manalasa ang Bagyong Ompong.
Isa na rito ang Sitio Saldine na tinungo ng ilang miyembro ng Baguio-Benguet photographers, hikers, artists club noong Sabado, ika-22 ng Setyembre.
Mula sa Baguio City ay nag-impake ng mga relief goods na mula sa ambag ng kanilang mga kaibigan sina Clinton Aniversario, Gabriel Braulio Jr, Jethro Gatdula, Jhael Pua at Rey Costina.
Mula sa Trail, Tuding ay nilakad nila ang daan patungong Sitio Saldine dahil hindi na ito maaabot ng sasakyan sanhi ng mga landslide na nagparalisa sa mga kalsada.
Hindi biro ang kanilang sinuong na hirap dahil bukod sa mapuputik ang mga daan, matatarik din ang mga burol at malalamin ang mga bangin patungo sa Sitio Saldine.
Sa kanilang pagpapahinga sa paglalakbay, kasabay nito ay ang pagkuha ng mga imahe na naaabot ng kanilang mga lente na maghahatid ng mensahe sa mga taong kailanman ay hindi nabalitaan na mayroong ganitong lugar sa bahaging ito ng Norte.
Naniniwala si Clinton at ang kaniyang mga kasama na ang pagiging alagad ng sining ay hindi lamang natatapos sa kanilang obra maestra kundi ang maging kabahagi rin ng solusyon sa problema na dulot ng mga sakuna.
( Jun Soriao / UNTV Correspondent )