5 doktor ng Philippine Children’s Medical Center tinamaan ng dengue, isa patay

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 2763

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang doktor ng Philippine Children’s Medical Center ang nasawi dahil sa severe dengue nitong Miyerkules, ilang linggo matapos magkaroon nito.

Ayon kay Usec. Eric Domingo, may sakit ding diabetes ang nasawing doktor na bagaman fully equipped at maingat ay hindi nakaligtas sa virus na dala ng lamok. Sa ngayon ay fully recovered na ang apat pang doktor.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Children’s Medical Center kahapon, nagdodoble ingat na sila at pinaigting ang awareness at monitoring sa lahat ng mga empleyado, pasyente at nakapalibot sa PCMC.

Inihayag din ng pamunuan ng PCMC ang pakikiramay sa kanilang kasamahang namatay dahil sa severe dengue.

Saludo aniya sila sa dedikasyon at sakripisyo ng kanilang mga kasamang doktor at medical specialists na nagsisilbing frontliners upang magamot ang mga pasyenteng may sakit at masugpo ang pagkalat ng anomang uri ng nakakahawang sakit.

Nagbigay na rin aniya ng kautusan ang pamunuan ng ospital sa mga empleyado ng PCMC na mag-apply ng insect repellant sa katawan upang makaiwas sa dengue transmission.

Ayon pa kay Usec. Domingo, peak season ngayon ang pagdami ng dengue cases lalo na’t katatapos lang ng Bagyong Ompong at may pag-ulan rin sa iba pang bahagi sa bansa.

Pinapalalahanan ang publiko na maging maingat at sundin ang 4’s strategy ng kagawaran upang masugpo rin ang pagkakaroon ng dengue outbreak.

Kadalasan sa mga nagkakaroon ng dengue sa Pilipinas ay mga kabataang nasa edad 10 hanggang 14 na taong gulang.

4’s Strategy

 

  1. Tanggalin ang mga pinamumugaran ng lamok gaya ng stagnant water sa kalsada at gulong o maginng ang paglilinis sa mga kanal.

 

  1. Pagsuotin ng light colors na long sleeves at pantalon ang mga bata, maglagay ng insect repellant o mosquito patch sa kanilang mga suot.

 

  1. Magpakonsulta sa mga doktor kung nakakaramdam na ng sintomas ng dengue gaya ng mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pagsakit ng kasu-kasuan , pagsusuka, skin rash at pagdurugo ng ilong, gums at pagkakaroon ng pasa sa katawan.

 

  1. Suportahan ang selective fogging o fumigation ng LGUs para sa mga lugar na mataas ang kaso ng dengue.

 

Batay sa datos ng DOH, simula ika-1 ng Enero hanggang ika- 1 ng Setyembre ngayong 2018, mayroong 100,225 nang naitalang kaso ng dengue sa bansa. Mas mataas ito ng 6% kumpara sa mahigit 94, 000 noong 2017.

Pangatlo ang National Capital Region (NCR) sa limang rehiyon na may pinakamataas na kaso ng dengue ngayong 2018.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,