5 bandidong grupo sa Pilipinas na may kaugnayan umano sa ISIS, bunga lamang ng online propaganda ayon sa AFP

by Radyo La Verdad | December 10, 2015 (Thursday) | 2600

ROSALIE_PADILLA
Lumabas sa artikulo ng isang London-based news online na limang grupo sa Pilipinas ang may kaugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria o ISIS taong 2014 at 2015.

Kabilang ang limang grupo sa 40 international groups sa South East Asia at Africa na ipinapakita ang kanilang pagsuporta at pakikipag-ugnayan umano sa itinuturing na pinakamatinding teroristang grupo ngayon–ang ISIS.

Ayon pa news online ang iba sa mga terror group na ito ay nagpapadala ng mga tauhan sa middle east upang sumama sa isis samantalang ang iba’y nag-aalay ng kanilang pakikipagsanib sa ISIS.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na si Col. Restituto Padilla Jr., walang direktang katunayang magpapatibay sa ugnayan ng isis at limang terror groups sa bansa.

Ngunit dahil sa mga propaganda na ipino-post ng mga ito sa internet o sa social media kaya’t napabilang ang mga ito sa listahan ng mga international terror group.

Dagdag pa ng opisyal, hindi na marapat pang ipakalat sa social media at internet ang mga karahasang ginagawa ng mga teroristang grupo.

Dahil nagagamit pa ng mga ito ang social media sa pagpapalaganap ng kanilang masama at bayolenteng mga gawain.

Naniniwala naman ang AFP na hindi makaka-impluwensya ang isis sa mga Pilipinong Muslim.

Sa ngayon, tiwala pa rin ang hukbong sandatahang lakas ng Pilipinas na walang seryosong banta ng terorismo sa bansa subalit hinihingi ng AFP ang suporta ng bawat mamamayan upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa Pilipinas.

(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,