5 anyos na batang babae sa Maynila, patay sa pambubugbog ng kapitbahay

by Radyo La Verdad | August 28, 2018 (Tuesday) | 2947

Linggo pa lang ng gabi ay hinahanap na ang isang limang taong gulang na batang babae matapos itong lumabas ng kanilang bahay sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Ngunit pasado alas dose ng tanghali kahapon ay natagpuan ang menor de edad na wala nang buhay sa loob ng isang computer shop sa tabi ng bahay ng mga tumatayong magulang ng bata.

Ayon sa mga otoridad, nakitaan ang biktima ng pasa sa katawan at dugo sa bibig na maaaring dulot ng matinding bugbog.

Inimbitahan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang mga kamag-anak at kasama sa bahay ng biktima upang siyasatin kaugnay ng insidente, ngunit isa umano sa mga ito ay umaming may kinalaman sa pagkamatay ng bata.

Kinilala ang suspek sa pangalang Jerome Emberso, bente otso anyos at kapatid ng tumatayong ama ng batang babae.

Bunsod ng mga ebidensyang at detalyeng nakalap ng mga otoridad, agad na inaresto si Emberso bilang pangunahing suspek sa pagkamatay ng biktima.

Patuloy pang sumasailalim sa autopsy ang bangkay ng menor de edad na babae para sa mas malalim na pagsisisyasat sa nangyari sa biktima.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,