Nasa 5-7 bagyo pa ang posibleng pumasok sa Philippine Area ngayong 2017. Ayon sa PAGASA, mas mababa ito kumpara sa average na 19-20 kada taon. Normal naman anila ito kapag katatapos lamang ng isang climatological event gaya ng El Niño at La Niña.
Subalit kaunti man ang bilang ng bagyo, may bawi naman ito sa maaaring maging epekto sa dadaanan. May labing isang bagyo na ang pumasok sa PAR ngayong taon kasama ang bagyong Kiko.
Ayon sa PAGASA, maliit ang posibilidad na umiral ang El Niño o La Niña hanggang sa matapos ang taon. Pagdating ng Oktubre ay inaasahang papasok na ang amihan na magdadala ng mas malamig ng temperatura. Pero ayon sa PAGASA, mas malamig sa unang bahagi ng 2018.
Ang pinakamababang temperaturang naitala ng PAGASA ay noong January 18, 1961 sa Baguio City na bumagsak sa 6.3’c. Mas mababawasan naman ang mararanasang pag-ulan mula Oktubre lalo na sa Northern Luzon, subalit mas malaki ang tsansa na tumama o maglandfall ang mga bagyo sa bansa dahil itutulak ito ng amihan.
Sa ngayon ay nasa 194.61 meters ang lebel ng tubig sa angat dam. Ayon sa PAGASA, posibleng maabot nito ang 210 normal high water level nito sa mga susunod na buwan.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)