4th National Vaccination Drive, target gawin sa March 10-12; “House-to-House” vaccination, paiigtingin

by Radyo La Verdad | March 3, 2022 (Thursday) | 597

METRO MANILA – Kung dati ay sa mga vaccination sites lamang ang venue ng pagbabakuna, plano ngayon ng pamahalaan na paigitingin ang house-to-house vaccination at dalhin ang vaccination team sa workplaces.

“Ang ating Bayanihan Bakunahan, NVD part 4 ang ating tema ay March to vaccinate kasi dadalhin natin sa mga bahay-bahay at workplaces yung bakuna.” ani National Vaccine Operations Center Chair, Usec. Myrna Cabotaje.

Ayon kay National Vaccine Operations Center (NVOC) Chair at Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, isa sa mga tututukan ngayon ang pagbabakuna ng booster dose.

Sa datos ng NVOC, sa ngayon nasa 10 million pa lamang ng mga fully vaccinated ang nakapagpa-booster shot na.

Habang mayroon pang nasa 36.7 million na mga kababayan natin ang naka-due na para sa booster dose.

Sa usapin naman ng pediatric vaccination, fully vaccinated na ang 8.4 million na populasyon ng mga batang 12 to 17 years old.

Katumbas ito ng 66% ng 12 million target population ng nasabing age group.

Habang inamin ng NVOC na nagkakaroon ng problema sa suplay ng bakunang ginagamit para sa mga batang edad 5-11.

Sa ngayon nasa 736,000 pa lamang ng mga batang 5 to 11 years old ang nababakunahan laban sa COVID-19.

Samantala iniulat rin ng NVOC na may ilang COVID-19 vaccines ang inabutan na ng expiration.

Gayunman nilinaw ni Usec. Cabotaje na nakikipag-ugnayan pa sila sa mga manufacturer ng bakuna at tinitignan kung maaari pang i-extend ang shelf life ng mga ito upang magamit pa rin.

“We are still verifying and validating the numbers kasi yung iba we have requested for extension ng shelf life, as soon as we are ready and tapos na yung ating valid reason we will be ready and mga development and then we will be ready to issue the final numbers.” ani National Vaccine Operations Center Chair, Usec. Myrna Cabotaje.

Makalipas ang isang taon simula nang umpisahan ang COVID-19 vaccination roll-out mula pa noong March 1, 2021, sa ngayon aabot na sa higit 63 million ng mga Pilipino ang fully vaccinated na.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: