48 Dalian trains, posibleng ibalik ng DOTr sa China

by Radyo La Verdad | September 14, 2017 (Thursday) | 4874

Problema sa signaling system gayundin sa gulong dahil mas malaki ang mga ito sa sukat ng riles ng MRT. Ilan lamang ito sa mga dahilan kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin magamit ang 48 bagong bagon ng MRT na binili ng Pilipinas mula sa China. Kaya naman sinulatan na ng Department of Transportation ang 4 na International Certifier upang ipasuri ang pagkakagawa ng mga ito.

Ayon kay DOTr undersecretary for rails Cesar Chavez, ito ay upang malaman kung maari pang magamit at ligtas na masasakyan ng mga pasahero. Tatagal ang proseso ng tatlong buwan, at kung mapatunayan na hindi ito compatible sa signaling system ng kasalukuyang mga tren ng MRT, ay ibabalik ito sa China.

Nagkakahalaga ang 48 Dalian trains ng 3.8 billion pesos. Sa ngayon ay nakapagbigay na ng paunang bayad ang Pilipinas ng 800 million pesos.

Ayon sa DOTr, hindi na babawiin ang naturang halaga, sa halip ay aayusin na lamang ang mga tren, saka ito muling ibabalik sa pilipinas upang mapakinabangan pa rin.

Sa pagdinig ng senado kahapon sa panukalang 2018 budget ng DOTr, sinabi ni Senator Grace Poe, na dapat papanagutin sa korte ang mga opsiyal na sangkot sa pagbili ng mga naturang tren.

Plano ng DOTr na maibalik sa China ang mga biniling tren bago matapos ang taong 2017.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,