48 Dalian trains, kinakailangan pang isailalim sa weighing test – DOTr

by Radyo La Verdad | March 14, 2018 (Wednesday) | 3361

Hindi pa rin nadedesisyunan ng Department of Transportation kung posible pa bang magamit ang 48 Dalian trains na binili ng nakaraang administrasyon mula sa China.

Noong Sabado inaasahang ilalabas na sana ng DOTr ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng independent audit team sa Dalian trains.

Subalit sa pahayag na inilabas kahapon ng ahensya, sinabi nito na batay sa initial assessment ng TUV Rheinland, kinakailangang pang isailalim sa weighing test ang mga biniling bagon bago tuluyang matukoy kung magagamit pa ba ang mga ito.

Una nang sinabi ng DOTr at ng ilang railway expert na overweight umano ang mga biniling tren.

Sa ilalim ng kontrata, 46.3 tons lamang ang dapat na bigat ng kada bagon ng tren, subalit 49.7 tons ang nai-deliver na Dalian trains.

Sa ngayon ay hindi pa masabi ng DOTr kung kailan isasagawa ang weighing test sa Dalian trains.

Muling iginiit ng ahensya na importanteng makumpleto muna ang lahat ng kinakailagang pagsusuri sa mga tren upang masiguro kung ligtas nga ba itong sakyan ng mga pasahero.

Sakaling magamit, inaasahang malaki ang maitutulong ng Dalian trains upang madagdagan ang bilang ng mga tren na maaring patakbuhin ng MRT-3.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,