45% ng mga Pilipino, naniniwalang may karamdaman si Pangulong Duterte; 61% nagsabing dapat itong ihayag ng Pangulo sa publiko

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 3049

Apatnapu’t limang porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang may karamdaman si Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS). 26% naman ang hindi naniniwala, habang 29% naman ang undecided.

Isinagawa ang survey sa 1500 respondents noong ika-15 hanggang ika-23 ng Setyembre.

Sa kaparehong ulat, nakasaad din na limampu’t limang porsyento ng mga mamamayang Pilipino ang nagsasabing nababahala sila sa isyu habang 44% naman ang hindi nababahala.

Animnapu’t isang porsyento naman ang nagsabing dapat na ihayag ni Pangulong Duterte sa publiko ang kalagayan ng kalusugan nito.

33% ang nagsabing pribadong isyu ito at hindi na dapat ipaalam sa publiko habang 6% naman ang walang opinyon.

Muling naungkat ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman ni Pangulong Duterte, matapos na hindi ito dumalo sa isang pagtitipon sa Malakanyang noong Myerkules.

Unang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga isyu na ito ay dahil na-ospital ang Pangulo, ngunit kinumpirma naman ng punong ehekutibo na nagtungo ito sa Cardinal Santos Medical Center upang sumailalim sa colonoscopy at endoscopy.

Sinabi rin nito na posibleng mayroon siyang sakit na cancer ngunit tiniyak na ipapaalam sa publiko ang kalagayan ng kanyang kalusugan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,