Sentro ng privilege speech ni Senator Panfilo Lacson ang patuloy na talamak na korapsyon sa Bureau of Customs. Dito binatikos niya ang nagbitiw sa pwesto na si dating BOC Commissioner Nicanor Faeldon. Inilabas din nito ang kaniyang listahan ng mga player o nagbibigay umano ng suhol sa Customs at maging ng mga kolektor ng payola o tara.
Umabot sa apat na pu’t apat ang personalidad na itinuturo bilang mga bribe givers at players sa BOC. Kasama dito ang pangalan ni Mark Taguba. Umabot naman sa dalawampu’t isa ang mga umano’y kolektor ng payola o bagmen ng customs ang inilatag ng senador.
Mula sa mga tumatanggap sa Office of the Commissioner, Assessment Service, Intelligence and Investigation Service hanggang sa iba’t-ibang dibisyon ay pinangalan ng senador. Aabot aniya ang sinasabing standard tara sa 19 thousand hanggang 45 thousand pesos sa mga Customs officials sa central office kada container.
Bukod pa rito ayon sa senador , batay pa sa kaniyang ginawang imbestigasyon, may tinatawag na pasalubong para sa bagong upong commissioner na nagkakahalaga ng isandaaang milyong piso.
Mariin namang itinanggi ni former BOC Commissioner Nicanor Faeldon na nag-utos siyang kumolekta ng tara na nagkakahalaga ng isang daang milyong piso bilang welcome gift sa pag-upo niya sa kawanihan .
Hiling niya na magkaroon din ng third party investigation upang tuluyan nang lumabas ang katotohanan at mapanagot ang mga likod ng corruption practices sa customs.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: BOC, BOC Comm. Nicanor Faeldon, Sen. Lacson