METRO MANILA – Umabot na sa 43,332 ang kabuuang bilang ng mga pampubliko at pribadong establisyimento sa bansa na nabigyan ng safety seal certifications ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.
Katunayan ito ng kanilang pagsunod sa minimum public health standards (MPHS) na itinakda ng gobyerno.
Ayon pa sa kalihim, makakatulong ito upang makabangon ang ekonomiya ng bansa at mapalakas ang kumpiyansa ng mga mamimili sa mga bukas na pamilihan ngayong new normal.
Hinihikayat din niya ang iba pang mga establisyimento na makakuha ng seal upang makatulong sa pagpapababa ng bilang ng COVID-19 cases at mabigyan ng kasiguraduhan ang publiko na naiisa-alang-alang pa rin ang health protocols sa kabila ng mga quarantine restriction.
“Businesses can do their share in the fight against the pandemic and create a healthy space for consumers to transact their purchases and for employees to gainfully and safely earn a living,” ani DTI Sec. Ramon Lopez.
Pinaalalahanan naman ni Department of the Interior ang Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang mga negosyong nasa ilalim ng strict quarantine restrictions ay hindi minamadali na kumuha ng seal.
“Applying for a Safety Seal is not mandatory. However, business establishments are highly encouraged to apply since this will also help them attract customers which eventually leads to increased sales and profit,” ani DILG Sec. Eduardo Año.
Simula noong Mayo 2021, may kabuuan nang 85, 731 applications ang natanggap ng Safety Seal Technical Working Group (TWG) at 43, 332 (50.54%) na sa mga ito ang aprubado, samantalang 9,858 (11.50%) applications naman ang na-deny sa iba pang mga ahensya.
Kaugnay nito, nasa ilalim pa ng isinasagawang inspection process ang mga natitirang mga applications mula sa iba’t ibang establisyimento.
Kwalipikadong makakuha ang isang establisyimento ng seal kung ito ay duly registered, gumagamit ng Staysafe.ph o kahit anong local government unit-mandated digital contact tracing application, at striktong sumusunod at ipinatutupad ang MPHS.
Pinuri nina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagpapatupad ng Safety Seal Program dahil sa kontribusyon nito sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa at pagpapalakas sa kumpiyansa ng mga manggagawa para sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuhan.
Nais din ng Department of Tourism (DOT) na makakuha ng seal ang mga tourism establishment owners upang masigurado ang kaligtasan ng tourism workers at mga dadating na turista sa bansa.
Pinagbigay-alam naman ng Safety Seal Technical Working Group sa publiko na kasamang nagsisikap ang gobyerno upang makatulong sa proyekto bilang suporta sa Inter-Agency Task Force’s Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy.
(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)
Tags: Establishments, Safety Seal