42 patay, 36 sugatan sa patuloy na bakbakan ng AFP at Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan

by Radyo La Verdad | July 13, 2016 (Wednesday) | 1619

WESTMINCOM
Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command na limitado na ang galaw at kakaunti na lang ang puwersa ng Abu Sayyaf Group sa Basilan at Sulu.

Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na operasyon ng militar sa mga lugar na hinihinalang pinagkukutaan ng mga bandido.

Sa pinakahuling ulat ng AFP WestMinCom, 22 miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi habang 16 naman ang sugatan sa engkwentro sa Sulu.

Habang 18 naman ang nasawi at siyam ang nasugatang bandido sa nangyaring sagupaan sa probinsiya naman ng Basilan.

Sa panig naman ng militar, dalawa ang nasawi habang labing-isa ang sugatang sundalo.

Sa pinakabago namang engkwentro sa Tipo-Tipo, Basilan ay isang scout ranger ang namatay habang limang sundalo ang nasugatan na agad dinala sa Camp Navarro General hospital sa AFP WestMinCom Headquarters sa Zamboanga City.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng airstrike at artillery fire ang AFP sa ilang bahagi ng Basilan at Sulu bilang bahagi ng ginagawang focused military operation.

(Dante Amento/UNTV Radio)

Tags: ,