Sa sampung libong business establishment sa Metro Manila na may discharge permit, kalahati ang lumalabag sa tamang pagtatapon ng kanilang waste water base sa datos ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Ayon kay Engr. Emiterio Hernandez ng LLDA, lahat ng water waste ng mga ito ay deretso sa mga ilog at estero.
Sa ngayon, ilan umano sa mga ito ay inisyuhan na nila ng cease and desist order para tuluyang ipasara.
Pinamamadali naman ni Committee Chairman Winnie Castelo ang pagresolba sa isyu dahil sa pangambang magresulta sa malaking problema sa kalusugan ng mga taga Metro Manila ang mabilis na pagdumi ng tubig. Isa sa nakikitang dahilan ng LLDA ay ang hindi tamang proseso sa pagbibigay ng permit.
Aminado ang LLDA na hindi nila kayang bantayan ang lahat ng mga establismiyento dahil kulang sila sa mga tauhan.
Isa sa nakikitang pansamantalang solusyon ng Kamara ay ang ilipat muna sa Environmental Management Bureau ang pagmomonitor sa mga establisimiyento kung ito ay sumusunod sa batas.
Samantala, dalawang construction company naman sa Taguig City ang isinara ng LLDA kaninang umaga.
Inisyuhan ng closure order ang dalawang establisyemento dahil sa illegal backfilling, reclamation activities at pagtatapon ng basura sa baybayin ng Laguna lake. Paalala ng mga otoridad, ipinagbabawal ang reklamasyon sa baybayin ng lawa.
Ipinag-utos na ni General Manager Medina ang clearing at paghahanda sa plano ng rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Magpapatuloy din ang water quality monitoring at methane extraction sang-ayon sa utos ni Environment Secretary Roy Cimatu.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )