QUEZON CITY, Philippines – Iprinisinta na ng Quezon City Police District ang apat na itinuturong suspek sa pagpatay kay Barangay Bagong Silangan Chairwoman Crisell Beltran sa media.
Ngunit ekslusibong naabutan ng UNTV News and Rescue ang pamilya, kaanak at taga-suporta ni Beltran na hindi pinapapasok sa loob ng Camp Caringal para makaharap ang mga suspect.
Bantay sarado naman ng mga pulis ang gate ng kampo kung saan nakaantabay rin ang kanilang mga panangga. Sa mga oras ding iyon, iniharap naman ng Quezon Police District sa media, ang apat na suspek sa pamamaril kay Beltran, kasama rin umano ang ilan pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Teofilo Formanes at magkakapatid na sina Ruel, Orlando at Joppy Juab. Batay sa ulat, unang naaresto si Formanes sa follow up operation na ginawa noong February 1.
Agad ding itinuro ni Formanes ang mga kasabwat nitong magkakapatid na Juab kung saan nakumpiska mula sa mga ito ang iba’t ibang kalibre ng baril at bala.
Ngunit laking pagtataka ni Winsell Beltran Cordora, anak ni Crisell Beltran, kung bakit ayaw silang papasukin.
“Ang sabi po nila pwede po kaming pumasok ngayon. Magsama kami ng tao, okay lang. Pwedeng kaming pumasok pero po ngayon ayaw po nila kaming papasukin. Hindi ko alam po kung pulitika pa…”
Na inquest na noong Sabado ang mga suspek at umasa sana ang kampo ni Winsell na makaharap nila ang mga ito.
“Ang liwanag naman who gains by the death of Kapitana Beltran, she was a very strong candidate…nakakalungkot doon pati ang pulis ngayon, eh parang nakikita na may kumakampi. Bakit ayaw (kaming) papasukin?,” ani Congressman Bingbong Crisologo.
Pati ang mga sinasabing mga saksi sa krimen ay hindi rin nakapasok agad sa kampo. Pinayagan lamang silang makapasok kasama ang pamilya at mga tagasuporta ng napaslang na kapitana nang matapos ang isinagawang press conference.
Personal at pribadong pinuntahan ni Congressman Crisologo si QCPD Director Police Superintendent Joselito Esquivel upang alamin ang dahilan ng pagharang sa kanila.
“Miscommunication raw sabi ni Esquivel. Eh yun na nga eh, andito si Colonel Vargas. Inutusan raw niya, eh tinalikuran nga ako ni Colonel Vargas. Binastos nga niya ako eh.”
Plano ng mambabatas na isama sa kaniyang privileged speech sa Kongreso ang pagtuligsa sa umano’y hindi pagiging patas ng mga pulis sa pangyayari.
Sinikap naman ng UNTV News and Rescue na kunan ng pahayag si Director Esquivel ngunit hindi na ito nag-paunlak pa.
(JL Asayo | UNTV News)
Tags: barangay bagong silangan, beltran, camp caringal, crisell beltran, murder, Quezon City Police District, supporters, victim
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com