4 Pulis Caloocan, sinampahan ng murder at planting of evidence ng NBI

by Radyo La Verdad | September 1, 2017 (Friday) | 2194

Sinampahan na ng murder at pagtatanim ng ebidensiya ng NBI ang apat na pulis Caloocan dahil sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos.

Ang mga inireklamo ay sina CINSP. Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz at PO1 Jeremias Pereda. Dawit din reklamo ang police asset na nakilala lamang bilang Mr. Luberas Alyas NoNo.

Lumabas sa imbestigasyon ng NBI na walang awang pinatay ng mga pulis si Kian. Pasado alas otso y media ng gabi noong August 16, inaresto ang binatilyo sa umano’y anti-drug operation matapos itong ituro ni alyas Nono.

Ngunit sa halip na dalhin sa presinto, kinaladkad ang biktima sa lugar malapit sa tullahan river at doon ito binaril ni PO3 Oares. Palayo rin sa istasyon ng pulis ang crime scene na ibig sabihin wala talagang intensyon ang mga pulis na dalhin sa presinto si Kian.

Ayon sa NBI, walang dudang binaril habang nakaluhod ang biktima batay na rin sa mga litrato sa crime scene at trajectory ng bala. Sabi pa ng NBI, kung totoong nanlaban si Kian, sa harapang bahagi ng katawan dapat ang mga tama ng bala nito.

Imposible rin aniya na hindi napansin agad ng mga pulis ang sinasabing dalawang pakete ng shabu at kalibre 45 na sukbit ng biktima dahil naka boxer short lamang ito nang maaresto.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,